Parating na naman ang araw na pinakahihintay sa buong isang taon, ang araw na sinasabing pinakamasaya at pinakamakulay. Tama nga naman dahil naparaming ibat-ibang kulay na makikita sa mga bahay, kalsada, gusali, puno at kung saan-saan pa. Bawat tao ay abala sa pagpunta sa mga malalaking mall at pamilihan upang bumili ng mga panregalo sa mga bata, kapamilya, katrabaho, kamag-anakan at sa mga inaanak, halos lahat excited, at nakakatuwa dahil may ganitong klase ng panahon taon-taon. At talaga namang nakakataba ng puso na makitang makulay at masaya ang paligid. Bawat tao nagbabatian, nagbibigayan at nagkakasiyahan. Masayang tunay at talagang dapat ipagdiwag sapagkat ang araw na ito ay tunay na napakahalaga at kaabang-abang. Bakit nga naman hindi eh ito ata ang araw kung saan isinilang ang isang sanggol na syang naging daan upang ang ating buhay ang maging tunay na buo. At ang kaalaman na ang sanggol na ito ang syang tunay at laging nagbibigay para sa bawat nilalalang sa buong sanlibutan ay isang napakadakilang dahilan upang ipagdiwang at alalahanin ang kanyang naging pagsilang sa sanlibutan.
Napakadalisay ng hangarin ng pagsilang ng sanggol sa mundong ito, napakawalang kasing halaga ang kanyang regalo para sa bawat tao na nabuhay, nabubuhay at mabubuhay sa mundong ito.
Sa puntong ito ng taon, hindi man lahat nakakaintindi ng tunay na kahulugan ng araw na ito ay masasabi namang lahat ng tao ay talagang ito ang laging pinakaaasam-asam. Hindi pa nga dumarating ang pinaka-buwan nito ay abala na ang marami sa paghahanda para sa araw na ito. Madami ng ng-iikot sa kung saan-saan upang bumili ng kung anu-ano, madami na rin ang naglalagay ng kung anu-anong dekorasyon sa kung saan-saan upang maging buhay at talagang makulay, madami na rin ang nagpapatugtug na mga masasayang musika na nagpapaalala sa darating na araw na ito. Nakatuwang isipin na lahat ng tao, nag-iisip ng plano para sa napaka-espesyal na araw na ito.
Kahit pa nga kahit minsan madami ang kapos sa budget pero hindi daw yon hadlang para ipagdiwang ang araw na darating. Minsan lang naisip ko, napakaswerte naman ng araw na ito kasi laging pinakaaabangan. Noong bata pa ako at hindi pa malawak ang kaalam sa mga okasyong meron, ang alam ko pagsumasapit ang araw na ito lagi akong may bagong set ng damit na binibili ng Lolo ko, lagi rin akong may bagong sapatos, at higit sa lahat madami akong perang natatanggap galing sa mga taong sa ganitong araw ko lang nakikita at nakikilala pero sa mga ordinaryong araw hindi ko alam kung asan sila at sino sila.
Nang medyo nagkakaedad na ko or yong sinasabing teenager na medyo hindi na ganun ka-exciting para sakin ang araw na ito, hindi ko na iniisip kung may maganda ba o wala na mangyayri sa araw na ito. Sumasama pa rin ako sa mga kamag-anak kapag may mga pagtitipon ngunit wala na kong nararamdamang saya sa mga okasyong ganun. siguro kasi naisip ko naglulukohan lang naman yong mga taong ito dito eh, nagbibigayan ngayon pero pagtapos ng araw na ito balik uli sa dati, yong tipong lumuha ka man ng dugo manigas ka pero wala silang ibibigay sayo. Kaya ayon siguro hindi na ganun yong dating ng araw na ito sakin, at nakakalungkot kasi pangit ang naging impression ko sa araw na ito sa edad na iyon ng buhay ko.
Pero gaya nga ng tunay na buhay hindi ako laging bata at teenager, dumating ako sa punto ng buhay kung saan alam ko na meron na akong sapat na kaalaman at kaunawaan upang intindihin kong ano ang kahulugan ng mga bagay-bagay. Bumalik ang saya at excitement ko para sa okasyong ito dahil gustong ako naman ang magbibigay sa mga bata, at mga kamag-anak. Kaya nag-ipon at namili ako para sa kanila, namigay, bumati at nagpahanda. Akala ko solve na yong ganon, akala ko magiging makulay na yong araw na iyon, pero at end pagod at pagsisisi lang ang naramdaman ko, nasan ang saya? nasan ang kulay? nasan ang buhay? akala ko pag nagbigay ako gaya ng mga nagbibigay sakin noong bata pa ko mararamdaman ko yong kakaibang saya ng dulot ng araw naito, pero wala, bakit? hindi ko maipaliwanag talaga, kaya nung mga sumunod na taon, ayon sabay nalang ako sa agos. Kung meron magbibigay, kung wala magtatago at hindi magpapakita para walang marinig na nakakakonsensya.
Hanggang minsan isang taon nakita ko yong kulay at saya ng araw na ito, hindi sya makulay dahil madaming mga ilaw na kumikislap sa gabi sa mga bahay, kalsada, gusali at mga puno. Hnidi sya masaya dahil sa regalo, handaan, kantahan, pagkikita-kita.
Makulay dahil naunawaan ng puso ko kung ano ang tunay na kahulugan ng araw na ito. dahil sa araw na ito, na ilang libong taon na ang lumipas, ay isinilang ang isang sanggol na syang naging tagapaghatid ng kulay sa buhay na halos hindi ko na kakitaan ng kahit katiting na pag-asa, sya ang nagsilbing panibagong pag-asa at nagdulot ng kakaiba at panibagong karanasan. Ang dating ayaw ko nag makita at balikan dahil sa sugat na patuloy na nagdurugo sa loob ko unti-unti ginagamot nya, ang dating durong at lasog-lasog na puso pero patuloy na tumitibok at hinihiling ko na sana huminto nalang, sya ang unti-unting bumubuo. At dating walang kulay at parating kupas na buhay ko, sya ang unti-unting nagbigay ng liwanag.
Masaya dahil sa loob ng napakahabang panahon na puro hangin at espasyo ang makikita sa loob ng puso ko, ay sya ang nagpupuno. Ang dating uhaw at sabik sa pagmamahal at atensyo na pagkataon ko, sya ang nagbigay at nagpuno. Ang dating magulo at walang kapahingaha ng pag-iisip, sya ang nagpayapa at nagbigay kakuntentohan.
Dahil sa pagsilang nya sa espesyal na araw na ito ng taon na laging pinaka-aabangan ng lahat ang buhay ay hindi na gaya ng dati. Hindi na kasing hirap ng dati at lagi ng may dalang ngiti sa bawat sakit ng kahapon at sugat na dalang ng nakaraan. Lagi ng may kamay na nakaagapay na handang yumakap at magsilbing lakas sa mga pagkakataong pinanghihinaan.
Hindi ko inisip noon na darating sa punto ng buhay ko na mauunawaan ko ang kahulugan ng araw na ito sa ganitong klaseng aspeto. Ngayon sa tuwing titignan ko ang paligid na makulay at mga taong hindi magkamayaw sa pagbili ng mga panregalo, naiisip ko sana yong saya ko ay parehas din ng saya nila, dahil walang kasing halaga ang sayang dulot ng aking kaunawaan sa araw na ito. Walang pwedeng maging higit pa sa regalong ibinigay na libong taon na ang nakararaan at hindi ito pwedeng tawaran ng kahit na ano pa mang mamahaling regalo, makulay na bahay, kalsada, gusali at mga puno. Ito ang pinakamasaya, masarap, makulay, magara, at mamahaling regalo na natanggap ko sa buong buhay ko at alam ko sa pagdaan pa ng marami pang taon mas lalo pa ang saya at kulay na idudulot nito sa akin.
Kaya taos ang aking pasasalamat sa sanggol na ito sa regalong kanyang ibinigay sa mismong araw ng kanyang kaarawan. Hindi ko kayang tumbasan ang regalong ito, ngunit alam kong kaya ko itong pahalagahan at ipamahagi sa iba. Alam kong hindi sapat ang buhay ko upang maging kapalit nito, kaya higit sa anu pa man masaya akong naunawaan ito. At kung uulitin man ang buhay ko alam ko at sigurado ako ayokong mapunta sa posisyon ng ibang tao, ito uli ang buhay na pipiliin ko at ganito ko pa rin gustong maranasan ito.
Salamat sa panibagong saya at kulay para sa espesyal na araw mo sa taong ito, at ang nais ko ay ang ipagdiwang ito na ikaw ang kasama ko, gusto ko nasa mga bisig mo lang ako at yakap mo dahil hindi sapat ang buhay ko para maipakita sayo kung gaano ako kasaya na nakilala kita. Hindi sapat ang buhay ko para mahalin ka at maging ipakita sayo kung gaano ako nagpapasalamat.
No comments:
Post a Comment