January 13, 2011

Habang Tumatagal

Madaming Bagay sa buhay ng tao na dumadaan lang at walang masyadong kapansin-pansin kung baga hindi sya masyadong memorable sabi nga ng marami. Ngunit ang nakapagtataka lang minsan may mga sitwasyon na hindi lang minsan dumadaan kundi bumabalik at tila ba nagpapapansin. Ewan pero isa ata ang araw na ito sa mga araw na kahit hindi masyadong memorable ay parang nagiging makulay naman. 

Bakit nga ba? nung una parang hindi naman ganito, minsan lang naman na napatingin ng talagang tingin pagkatapos presto, eto na ngayon, nalilito, hindi mapakali at nag-iisip kung pano ba ang lahat ng ito naging ganitong kumplikado.....

Sabado....
Ayaw ko pero kailangan, matagal na din simula ng huli akong umuwi sa lugar kung saan ako lumaki at nagkaisip. Pero ngayon pagkataapos ng mahigit walong taon eto ako lulan ng bus na maghahatid sakin sa lugar na tila nakalimutan ko na sa tagal ng panahong hindi ko nadalaw. Madalas kapag may nagsasabi saking taga-amin na lumuluwas sa maynila na "baka naman kaya ka hindi na umuuwi sa ating baryo ay dahil hindi ka na maalam bumiyahe pauwi ano bata?", ang isasagot ko lang ay "hindi naman po madami lang talagang trabaho na hindi pwedeng basta nalang iwanan". Pero ngayon parang totoo ata.

Sa loob ng halos 2 oras na  binabaybay ko ang lugar pabalik sa bayang aking pinagmulan, tila ito isang bagong lugar na ngayon ko lang mapupuntahan, madami ang nagbago may mga gusali na hindi ko naman nakita ng huling punta ko at sa daan mapapansin din na may mga ginagawa ring mga bago pang gusali. Matagal pa ang ilalagi ko sa loob ng bus na ito, anim na oras ata ang biyahe pauwi samin kaya pinili ko nalang na ipikit ang aking mga mata bago pa tuluyang lamunin ng kaba ang aking isip at magdesisyon akong bumaba at bumalik na uli ng maynila.

SAN NICOLAS!!! sigaw ng kondoktor ng bus na naging dahilan ng dali-dali kong pagmulat ng mata at pagtayo. Aray! sigaw ko dahil sa pagkaka-untong ng ulo ko. Hindi na ko nag-aksaya pa ng oras mabilis na binitbit ko ang dala kong bag at naglakad pababa ng bus, sa wakas andito na ko sa aming lugar. Sa lugar na sa totoo lang ayaw ko na sanang bumalik pa.

Naglakad ako papunta sa mga tricycle na nakapila, sumakay ako at sianbi sa driver kong saan ako patungo. habang nasa loob ng tricycle hindi ko mapigilang maalala ang mga pamilyar na lugar na aking nadaraanan. Unang nadaanan ang malaking simbahan sa aming lugar at sa may gilid nito ay ang plaza kung saan tuwing pyesta ay napakaraming ibat-ibang palabas na mapapanuod ng libre at talaga namang nakakaaliw. naalala ko pa na hindi ako pumapalya sa lahat ng mga pagtatanghal na ginagawa sa plaza na ito noon.

Sumunod ang maliit pero malinis pa rin at magandang tignan na municipal library. Dito ako madalas gumagawa ng aking mga term paper at research paper. Hindi pa kasi masyadong uso noon ang google kaya libro ang gamit sa pareresearch. 

Nakita ko rin uli ang mga nakalatag na palay sa daan at ang kulay berde na mga sakahan, nalalanghap ko rin ang sariwang hangin na dulot ng mga punong nasa palaging, malayo sa hangin na araw-araw kong nalalanghap sa maynila.

At nang malapit na sa amin natanaw ko ang isang malaki at lumang bahay. Isa ito sa maganda at malaking bahay noon ngunit ngayon kupas na ang kulay at halatang luma at hindi na natitirahan. Hindi ko alam pero dapat sana hindi na ako nasasaktan, ngunit tila panahon lang lumipas ngunit ang kirot at sakit na dulot ng pagkakatanaw sa lumang bahay ay ganun pa rin tulad ng nakalipas na 10 taon.

Sir dito na po ang bahay nila Aling Lydia, sabi ng driver na ihihinto sa tapat ng kawayang gate ang tricycle. inabot ko ang isang daan peso, sir sukli nyo po sabi ng driver ng makababa na ako dala ang aking bag.

Salamant ho, magalang na tugon ko sa driver.

Ilang minuto na akong nakatayo lang sa tapat ng aming bahay wala naman akong iniisip ngunit ayaw gumalaw ng aking paa. Ayaw humakbang na tila ba may mabigat na nakatali dito. Ilang sandali pa bumukas ang pinto ng aming bahay, lumabas ang isang babaeng mas bata lang sa akin ng kaunti. Hindi nya ako agad napansin tumuloy sya sa paglakad pagawi sa kabilang direksyon ng aking kinatatayuan. Hanggang sa tila naramdaman ata nya na may taong nagmamasid sa kanya at lumingon sya sa aking direksyon. 

KUYA JONH!!!! sigaw ni kayla habang tumatakbo papunta sa aking kinatatayuan

Hi, sabi kong nakangiti.

Ang laki mo na ha, parang kilan lang neneng-nene ka pa. patuloy kong kumento 

Kuya 8 taon ka kayang hindi umuwi, natural lumaki na ko no! sabi nya na napakalapad ng ngiti. Nay! andito ang kuya sigaw nya habang hinihila ako papasok ng aming bahay.

Sa pinto pagpasok namin nakita ko ang aming ina na palabas galing sa kusina. Maluha-luha at di makapaniwala na nasa harap na nya ako. Niyakap ako ng aking ina. 

Natutuwa ako at umuwi ka anak, humihibing sabi nya habang yakap ako.
 Aba! eh namiss ko na kayo eh, kaya ito naisipan dumalaw. sagot kong pinasigla ang aking tinig. ngayon ko lang naramdaman na namiss ko talaga ang pamilya ko at natutuwa akong makita sila muli. Tumagal pa ng ilang minuto bago kumalas  sa pagkakayakap ang aking ina.
tumungin sa akin mula ulo hanggang paa pagkatapos sinabi, kumain ka na ba? sigurado gutom ka sa haba ng biyahe hala dalhin mo na sa kwarto ang gamit mo at maghahanda lang ako ng makakain mo, dire-direcho nyang sabi pa.

Opo, natatawang wika ko sa kanya. naiiling na nagtungo ako sa aking kwarto, naisip ko kasi masyadong excited ang nanay ko. pumasok ako at nahiga sa aking kama. Maya-maya bumukas ang pinto at pumasok si Kayla.

Kuya bakit ngayon ko lang umuwi? tanong nya
Madami kasing trabaho na hindi pwedeng iwanan lang basta-basta, tugon ko habang bumangon ako at naupo sa giid ng kama.
eh bakit ngayon wala na bang masyadong trabaho?
meron pero hindi na ganun karami, saka talagang namiss ko na kayo dito.
Kamusta ka na pala? tanong ko upang maiba naman ang usapan, ayoko kasing pag-usapan ako.
Mabuti naman, maayos naman ang trabaho ko sa munisipyo. Madami nga lang ding trabaho ngayon pero ok lang. sagot ni Kayla, naku matutuwa tiyak sila Kuya Bobot pag nalamang narito ka, matagal ka ng inaabangan ng mga yon kuya, patuloy pa ni Kay.
Tango-tango lang ang tugon ko sa kanya.
Madami pa kaming napag-usapang magkapatid hanggang sa tinawag na ako ni Nanay dahil handa na raw ang pagkain sa mesa. at habang kumakain si Nanay naman at ako ang nagkamustahan. Nagpaalam si Kay na lalabas dahil may kailangan syang bilin sa bayan. 
Sinulit ni Nanay ang pagkakataong makausap ako ng sarilinan, madami syang tinanong at sinagot kung lahat, yong ibang sagot ko totoo, yong iba pinag-isipan upang hindi sumama ang loob ni Nanay. Ayokong isipin nya na iba ang naging epekto sa akin ng matagal na paninirahan sa maynila. Tumagal ang usapan namin ni Nanay nag halos isa't kalahating oras. matapos ang kamustahan nagsabi ako sa Nanay na nais kong magpahinga. kaya bumalik ako sa aking silid at inilock ko ang pinto.

Wala namang nagbago sa kwarto ko ganun pa din ang laki at itsura nito. Ngunit ang hindi nagbago hindi pa rin nito kayang ibalik ang saya na hatid nito sa akin noon. 

Noon madalas iniubos ko ang oras ko sa aking kwarto, hindi naman kasi ako palalabas ng bahay. Masaya na akong nagbabasa  habang nakikinig ng radyo sa aming bahay. Simple lang ang buhay namin, ordinaryong empleyado si Tatay sa munisipyo at ayos lang ang kita para sa maliit naming pamilya. Maayos ang aking pag-aaral dahil scholar naman ako sa Science High School sa bayan, hindi naman sa pagyayabang pero ako ang nagunguna sa aming klase. Nasa 3rd year High School na ko ng nagsimulang magulo ang tahimik kong buhay na naging dahilan ng maraming komplikasyon at masasakit na ala-ala...





No comments:

Post a Comment