January 23, 2011

Habang Tumatagal (4)

Nalilito man ako sa aking narinig pagdating sa aming bahay ay nagpasya akong wag na itong ungkatin pa. Naisip ko kasi wala rin naman mangyayari kong magtatanong pa ako at sigurado rin ako sa aking sarili na alam ng aking ama kung ano ang makakabuti para sa akin. Kaya ano man yong pina-usapan nila ni mayor labas na ako doon.

Unti-unti sa paglipas pa nang panahon natanggap ko na hindi na talaga magkakaroon ng pagkakataon na magkita kami ni Mich sa huling taon ko sa high school at baka kahit hanggang sa mag-college na ako hindi na talaga kami makapag-usap muli dahil natanggap ko na ang sulat na nagsasabing nakapasa ako sa UPCAT at kailangan ko nang magsubmit ng mga requirements ko. Ok na rin kila Nanay at Tatay, kahit noong una hindi payag si nanay kasi napakalayo daw ng UP sa bahay namin at wala daw kaming mga kamag-anak sa maynila na pwede kong tirahan. Ngunit sa bandang huli nakumbinsi rin namin sya ni Tatay. May kaibigan kasi si Tatay na nag-papaboard malapit sa UP kaya doon daw ako tutuloy. 

Sa araw ng graduation namin excited ang lahat pero ako parang hindi naman masyado, sabi nga nila parang seryoso pa nga daw ang mukha ko. Biniro pa nga ako ni Kuya Bobot baka daw graduation na eh nasa full-exam mode pa daw ako at ma-perfect ko pa ang graduation. Napangiti naman ako doon.  Ito na ang simula ng unti-unti kong pag-abot sa aking pangarap nasabi ko sa sarili ko. Pagkatapos ng araw na ito mag-uumpisa muli ako ng panibagong yugto ng aking buhay, may takot man sa aking dibdib alam ko naman na kaya kong maabot anuman ang aking minimithi. Napatuyan ko na ang aking sarili sa aming lugar, ngayon tatanggapin ko ang karangalan na bunga ng aking apat na taong pagsisikap sa high school, ngayon ga-graduate ako bilang valedictorian ng aming batch at proud ako sa aking sarili at alam kong maging ang aking mga magulang. 


Nasa kalagitnaan ako ng aking talumpati ng mapatingin ako sa may malapit sa exit gate, napansin ko ang isang naka-wheelchair na matamang nagmamasid sa nagaganap na graduation. Nakatuon din sya sa aking pagsasalita sa gitna ng napakaraming tao. Hindi ko masyadong mamukha siya ngunit sa pagkakatingin kong iyon sa kanya ay tila may kung anong kirot sa aking dibdib. Tinapos ko ang aking talumpati na kulang na sa buhay sa bandang huli dahil naagaw na ng naka-wheelchair ang aking konsentrasyon. Matapos ang aking talumpati tumayo at pumalakpak ang lahat, at nang matapos ay muling nagsibalik sa kani-kanilang upuan ang mga tao, oras na kasi para sa pagtanggap ng aming diploma. Pagtingin ko muli sa may exit gate wala na ang naka-wheelchair, at hindi ko alam kung may nakapansin ba sa kanila maliban sa akin. Bumaba ako ng entablado at pumila sa aking hanay para sa pagkuha ng aking diploma, ngunit ukupado na nang naka-wheelchair ang aking isipan. Sino kaya sya? Ano kaya ang ginagawa nya sa araw na ito ng graduation? Bakit sya naka-wheelchair? Ano kaya ang sakit nya? Bakit parang kilala ko sya? Nagkita na ba kami? at kung ano pang mga tanong ang tumatakbo sa akong isipan. Natapos ang serimonya para aming pagtatapos ngunit nasa taong naka-wheelchair pa rin ang aking isip, hanggang sa aming pag-uwi sa aming bahay para sa konting salo-salo na inihanda ng aking mga magulang ay balisa pa rin ako dahil sa naka-wheelchair na iyon.


Pagkalipas ng isang linggo naghahanda na ako ng aking mga gamit dahil sa loob ng dalawang araw ay luluwas na kami ni tatay patungo sa maynila. Ihahatid na nya ako at tutulungan na ring magpa-endroll bago sya babalik dito sa aming lugar, tuturuan din daw nya ako ng mga pasikot-sikot upang hindi ako maging alalahanin sa kanyang kumapare. 


Tumigil ako sa pag-aayos ng aking bagahe at nagdesisyong maglakad-lakad sa labas, naisip ko kasi matagal din akong mawawala sa aming lugar kaya siguradong mami-miss ko ito ng sobra, isa pa ito ang unang pagkakataon na aalis ako rito at hindi ko pa rin sigurado kung ano ang daratnan ko sa aking pupuntahan. Naglakad ako hanggang sa umabot ako sa tapat ng bahay nila Mich, napansin ko na nakasarado pa rin ito gaya ng dati. Ilang buwan na kasi ang lumipas ng napabalita na ibinibenta na raw ito dahil hindi na daw balak tirahan ng pamilya nila Mich, si major naman ay sa kabilang baryo naninirahan kaya ayos lang na ibenta na raw ito kesa naman masira lang dahil walang gumagamit. Gawa siguro ng aking kuryosidad itinulak ko ang gate, at sa aking pagkagulat bumukas ito. Tumingin ako sa paligid at naniguradong walang tao na maaring makita sa akin sa pag-bukas ng gate at dali-dali akong pumasok. Maingat na isinara ko ang gate sa takot na may makahuli sa akin at isumbong ako kay major. Dahan-dahan ang aking paglakad dahil baka may biglang lumabas na tao kung saan at mabisto ako. Ngayon lang ako nakapasok dito, matagal kong naging kaibigan si Mich ngunit ni minsan ay hindi nya ako inayayahan dito. At namamangha ako sa ganda ng bakurang aking nakikita. Patuloy ako sa paglakad ng may maulingan akong nag-uusap sa may gawing kanan, kaya maingat na nagtungo ako doon. 


Sa tingin mo ba yaya, mabibili na itong bahay namin agad? tanong ng batang babae, na ang tinig ay hindi ako pwedeng magkamali. Kay Mich iyon, ibig sabihin andito si Mich, napangiti ako sa aking napagtanto.
Hindi ko pa alam, pero mamaya malalaman natin panigurado kung ano ang mangyayari. Sagot ng tinawag na yaya.
Pero ayoko pong umalis sa lugar na ito, masaya po ako dito, sabi pa muli ni Mich. Malapit na malapit na ang tinig at alam kong paglagpas ko lamang sa punong nasa aking harapan ngayon ay makikita ko nang muli si Mich.
Alam ko anak, ngunit hindi maari na mamalagi ka pa dito, patuloy pa ng kanilang usapan. Ngunit hindi ko iniintindi kong ano ang kanilang pinag-uusapan nakatuon ako sa isiping makikita ko si Mich muli. Huminga muna ako ng malalim bago ako dahan-dahan lumabas sa may likod ng puno. Nakita ko ang batang babaeng nakabalot ang ulo at nakaupo sa wheelchair. Ilang minuto akong naparalisa sa aking kinalalagyan, nakatingin lang ako sa walang kulay na mukha ng batang babae na nasa aking harapan, hindi ako makapaniwala na ang payat, matamlay, maputla, at nakangiting bata ay walang iba kundi ang aking kaibigang si Mich. 



No comments:

Post a Comment