Bawat tao may kanya-kanyang pagkakakilanlan. Nasa tao nalang kung paano nya ipakikilala ang sarili nya. Minsan sa buhay dumarating ang hindi maipaliwanag na identity problem na yan, maswerte ka pag sigurado ka na kilala mo talaga ang sarili mo, pero isa ka sa malas kung wala kang masabi tungkol sa sarili mo.
Naalala ko noong nasa mataas na paaralan pa ako, tuwing unang araw ng klase, sa bawat aralin dapat magpakilala ang bawat isa sa harapan. Nahinto nalang ata iyon noong huling taon na namin, siguro kasi naisip ng mga guro kilala na nila kami at kilala na rin namin ang bawat isa sa loob ng silid-aralan at maging sa kabilang mga silid aralan pa.
Nakakatuwa lang dahil kapansin-pansin na sa bawat pagpapakilala ibat-ibang klase ng ekspersyon ang makikita mo. May panay ang ikot ng kamay sa likod habang nagsasalita, may nakatungo, may sobrang makangiti, may parang kasali sa Bb. Pilipinas, may parang natutulala, may nagpapakwela, may naiiyak, may nakaharap sa bintana, may nakatingin sa kisame, may hindi marinig, meron pa nga tumakbo palabas at umuwi sa bahay.
Inisip ko noon para saan ba kasi at dapat pa na magpakilala sa harapan? Sigurado naman na darating din ang araw na sa ayaw at sa gusto mo makikilala mo rin ang mga kamag-aral mo. Saka karamihan din naman doon kaklase na namin noong nasa mababang paaralan pa kami, kaya siguradong magkakakilala na.
Pero ngayon matapos ang maraming taon simula ng magtapos kami sa mataas na paaralan at mauso ang FB, napag-alaman ko na hindi pala talaga lahat makikilala mo. Habang ginagawa ko ang blog na ito ngayon, meron akong friend request sa FB na isang buwan ko ng inisip kung sino, mutual friend namin yong mga dating kamag-aral sa high school at parehas din kami ng taon ng pag-graduate pero nakapagtataka hindi ko sya matandaan.
Akala ko noon sa buong paaralan ako na yong pinaka hindi kilala, wala naman kasi akong masyadong kaibigan at hindi rin ako mahilig sa lakwatsa (Sige na nga mahilig akong maglakwatsa pero mag-isa lang sakay ng aking malaking bike). Isa pa sa pag-kakaalam ko din kilala ko ang bawat tao sa aming batch kala ko lang pala yon. Sabi ko pa nga minsan sa sarili ko sigurado pag-graduate ko ng high school wala ng makaka-alala sa akin pero sila makikilala at matatandaan ko pa rin. Hindi naman ako nagkamali dahil may mga pagkakataon na nakakasalubong ko at minsan pa nga nakakausap sila pero hindi nila alam na parehas kami ng eskwelahan noong sekondarya. Ngunit ito nga at may hindi pala ako matandaan (salamat sa FB sa pagmulat sa aking nakasaradong kaisipan).
Karamihan sa bawat kabataan (well sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang statistic kasi hindi naman ako naggawa ng formal survey para dito) dumarating sa identity problem na yan (siguro, dahil ako YES dumaan ako sa ganya) yong tipong hindi ka sure kung ano ba talaga ang pagkakakilanlan sayo at kung anong function mo ba dapat. At ang nakakalungkot lang kahit ba tila aware naman ang lipunan natin sa suluraning ganya ay kung bakit parang hindi naman nasosolusyunan.
Ang tanong ko lang naman ay bakit nga ba nagiging problema yan? Bakit napapaisip ang isang kabataan sa kung ano ba sya? Bakit walang magsabi at mag-assured sa kanya kung ano sya? Usaping pang pamilya ba yan o talagang ganyan dapat?
Ang hindi kasi matanggap ng aking makitid na pang-unawa ay ang punto na sa dami ng ganitong problema kapansin-pansin din ang paglala at pagdami ng mga kabataang nawawalan ng magandang kinabukasan dahil lang sa simpleng hindi pagkakauwa sa mga nangyayari sa kanya. Nasasayang ang buhay na kung tutuusin ay madaming pwedeng maging oportunidad. Tuloy imbes na maliit lang ang problema nagiging parang higante na sya kalaunan. Kung sa umpisa palang siguro naipakita na sa bata kung ano sya at kung gaano kahalaga sya baka sa umpisa palang din napahalagahan at nayakap na nya ang magandang buhay na naghihintay sa kanya. Hindi ko alam pero bata pa ako tumatak na sa isip ko na ang wikang "ANG KABATAAN ANG PAG-ASA NG BAYAN" ni gat Jose Rizal. Alam kong sadsad at niluma na ito ng panahon pero ako nanatiling naniniwala na kung ang bawat isang kabataan ay mabibigyan ng pantay, husto at makatarungang pagkakataon, magagawa nya at maipapakita nya kung ano ang kalakip na katotohanan sa mga salitang ito.
Hindi ko alam kung ano ang side mo, o kung paano mo titignan ang blog na ito pero ako, naniniwala ako na kung magtatanim tayo ng tama para sa susunod na henerasyon, malamang bago ako pumanaw sa mundo makikita ko ang pag-asa at ngiti sa mukha ni Juan Dela Cruz.